Mag-click dito upang tingnan ang buong site sa Tagalog.
Ang page na ito ay may impormasyon tungkol sa:
- Pakikipag-usap sa mga teenager at resources para sa mga pag-uusap.
- Mga tip para sa mga magulang at mga caregiver.
- Ang mga panganib ng pag-inom ng alak at paggamit ng marijuana at iba pang droga nang wala pa sa hustong gulang.
- Sabay na pagsasanay sa mga kagawiang mainam sa kalusugan.
- Mga lugar kung saan makakakuha ng suporta.
Ikaw ang may pinakamalaking impluwensiya sa pagdedesisyon ng iyong anak na teenager tungkol sa droga.
Kaysa sa mga kaibigan. Kaysa sa mga sikat na tao. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga para sa mga teenager na marinig mula sa iyo ang tungkol sa hindi paggamit ng marijuana, pag-inom ng alak, o paggamit ng iba pang droga, at malaman kung paano gumawa ng mga desisyong mainam para sa kalusugan, kasama na rito ang paghahanap ng maiinam na paraan para makaagapay sa panahon ng kagipitan.
Maaaring maging mapanghamon ang pakikipag-usap sa iyong anak na teenager tungkol sa mga ganitong paksa, pero ayon sa pananaliksik, isa ito sa pinakamahahalagang bagay na magagawa mo upang maipakita na ikaw ay nagmamalasakit, nagtatakda ng mga bagay na dapat asahan, at tumutulong na mapanatili siyang ligtas at malusog. Maaaring casual lamang at maikli ang mga pag-uusap habang magkasama kayo ng iyong anak na teenager. Narito ang isang listahan ng mga sagot para sa mga bagay na maaaring itanong sa iyo ng anak mo tungkol sa alak at marijuana, na makakatulong sa iyong makapaghanda para sa mga ganitong pag-uusap. Hindi pare-pareho ang lahat ng tao, kaya tandaan na iakma ang mga sagot mo batay sa iyong mga sariling pananaw at karanasan. Ang pagkakaroon ng masinsinan at tapat na pag-uusap ay magkakaroon ng mas malaking epekto.
Narito ang ilang karagdagang resources upang tulungan kang makipag-usap sa iyong mga anak na teenager:
- Mga tip kung paano makipag-usap nang epektibo
- Factsheet tungkol sa mga teenager at marijuana
- Isang infographic na may quick tips para sa mga magulang
- Isang patnubay para sa mga magulang tungkol sa pagpapalaki ng mga batang umiiwas sa droga (nasa wikang Ingles at Spanish lamang)
- Mga patnubay para simulan ang pakikipag-uusap ayon sa grupo ng edad kung saan kabilang ang bata
- Isang laro ng Truth or Challenge (Katotohanan o Paghahamon) upang makisali sa masayang paraan (nasa wikang Ingles at Spanish lamang)
Mga tip para sa mga magulang at mga caregiver.
Maglaan ng panahon para sa iyong anak na teenager, makipag-usap sa kanya nang madalas, at samahan siyang gumawa ng mga nakakatuwang bagay!
Matutulungan mo ang iyong anak na teenager na umiwas sa marijuana, alak, o iba pang droga kapag ikaw ay nakikisalamuha sa kanya, nagtatakda ng mga limitasyon, at nagsusubaybay.
Mas mababa ang posibilidad na uminom o gumamit ng marijuana o iba pang droga ang mga teenager kapag nakikibahagi sa buhay nila ang kanilang mga magulang at/o caregiver at kapag malapit ang loob nila sa mga ito. Upang maging mas malapit ang pamilya:
- Maglaan ng kahit 15 minuto ng personal na oras kasama ng iyong anak araw-araw.
- Samahan siyang gumawa ng mga nakakatuwang bagay.
- Purihin ang iyong anak tungkol sa mga desisyong ginagawa niya na mainam para sa kanyang kalusugan.
- Kumain nang sabay.
Magtakda ng malilinaw na limitasyon.
Maagang magtakda ng malilinaw na panuntunan, huwag maging pabago-bago, at madalas na pag-usapan ang mga alituntunin. Upang makapagtakda ng mga limitasyon:
- Regular na pag-usapan kung ano ang iyong mga inaasahan.
- Gumamit ng makatwiran at hindi pabago-bagong pagdidisiplina sa tuwing nasusuway ang iyong mga panuntunan.
- Tulungan ang iyong mga anak na magkaroon ng mga positibong ugnayan sa kanilang mga kaibigan.
- Tulungan ang iyong anak na magsanay kung paano tatanggi sa droga.
Subaybayan ang mga pakikipag-ugnayan.
Palaging alamin kung ano ang ginagawa ng iyong mga anak na teenager, kung saan sila pumupunta, at kung sino ang mga nakakasama nila. Tulungan silang magplano ng mga ligtas at nakakatuwang gawain. Tandaang itanong ang limang bagay na ito:
- Saan ka pupunta?
- Ano ang gagawin mo?
- Sino ang makakasama mo?
- Anong oras ka uuwi?
- Magkakaroon ba doon ng alak, marijuana, o iba pang droga?
Ano ang mga panganib ng pag-inom ng alak, paggamit ng marijuana at iba pang droga nang wala pa sa hustong gulang?
Kapag uminom ng alak o gumamit ng marijuana at iba pang droga ang mga teenager habang bata pa, tataas ang panganib na sila ay malulong at magkaroon ng mga problema sa kalusugan, bumagsak sa paaralan, at malimitahan ang mga mapagpipilian nila ng career kapag sila ay naaresto at hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Ang marijuana, alak, at iba pang paggamit ng droga ay:
- Maaaring makapinsala sa pag-develop ng utak ng mga teenager. Maaaring mapinsala ng alak, marijuana, at iba pang droga ang mga bahagi ng utak na nagkokontrol sa koordinasyon ng pagkilos ng katawan, impulse control, memorya, pagkatuto at paghuhusga. Dahil nagde-develop pa lamang ang utak ng teenager, mas madali itong maapektuhan.
- Maaaring humantong sa pagkalulong. Ang mga batang umiinom nang wala pang 15 taong gulang ay may posibilidad na mas malaki nang apat na beses, na magkaroon ng problema sa alak kapag nasa hustong gulang na sila, at ang mga batang nagsimulang mag-marijuana nang wala pang 18 taong gulang ay may posibilidad na mas malaki nang apat hanggang pitong beses, na malulong sa marijuana kaysa sa ibang nag-marijuana lamang noong mas matanda na sila.
- Nauugnay sa tatlong pinakanangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga teenager: Mga aksidente (kasama na ang pagkamatay nang dahil sa aksidente sa daan at pagkalunod), krimen ng pagpatay, at pagpapakamatay.
Sabay na magsanay ng mga kagawaing mainam sa kalusugan.
Tulungan ang iyong anak na teenager na bumuo ng mga kagawiang mainam sa kalusugan, magtakda ng mga layunin, at magsanay ng maiinam na paraan para makaagapay.
- Magtakda ng mga layunin: Kapag nagtakda ng mga layunin, nararamdaman ng mga tao na mayroon silang silbi at nakakatulong ito sa kanilang maging positibo para sa hinaharap. Maaaring maging mapanghamon ang kasalukuyang panahon, pero mas madali itong kayanin kung magiging positibo tungkol sa mga darating na oportunidad. Kausapin ang iyong anak na teenager tungkol sa kung ano ang gusto niyang gawin sa hinaharap at tulungan siyang gumawa ng mga plano.
- Bumuo ng mga kagawiang mainam sa kalusugan: Ang pagkain nang mabuti, ang sapat na pagtulog at ang pag-eehersisyo ay nakakapagpabuti ng kalusugan at mood. Magtakda ng mga iskedyul (tulad ng mga regular na oras ng pagkain) na nagiging mabubuting kagawian, at kausapin ang iyong anak na teenager tungkol sa kung bakit napakahalaga ng pagkakaroon ng maiinam na kagawian. Magkasamang bumuo ng mga estratehiya kung paano mapapatibay at maisasagawa ang mabubuting kasanayan.
- Bumuo ng mga kasanayan para sa pag-agapay sa sitwasyon: Mahalagang matukoy ng mga teenager ang mga aktibidad na nakakapagpabuti sa kanilang pakiramdam kapag nakakaramdam sila ng stress o pagkabalisa. Tulungan ang iyong anak na teenager na maghanap ng mga paraan kung paano maisasama ang mga aktibidad na iyon sa kanyang buhay, gaya ng paglalaro ng bola sa bakuran pagkatapos ng hapunan, paglalakad-lakad sa kapitbahayan, paggawa ng sining araw-araw, o kahit na pagbibilang lamang nang hanggang 10 at paghinga nang malalim kapag parang mahirap kontrolin ang sitwasyon.
Kumuha ng suporta.
Walang masama sa paghingi ng tulong para sa iyong anak na teenager at para sa iyong sarili! Ang lahat ng resourcesg nasa ibaba ay nag-aalok ng TSR 711 at mga serbisyo sa iba’t ibang wika.
- Ang Teen Link ay isang libre at kumpidensiyal na helpline na magagamit ng mga tinedyer sa pamamagitan ng pagtawag, pag-text o pag-chat sa mga teenager na sumailalim sa pagsasanay, mula 6 hanggang 10 p.m. PT. Maaari silang kausapin ng iyong anak tungkol sa kung anumang naiisip niya. Hikayatin ang iyong anak na tumawag, mag-text, o mag-chat sa 1-866-TEENLINK (833-6546). Maaari ding tumawag ang mga taong nasa hustong gulang sa Teen Link upang makipag-usap sa isang clinician na espesyalista sa pag-iwas sa paggamit ng droga o pag-inom ng alak. Bisitahin ang www.teenlink.org para sa karagdagang impormasyon.
- Ang Washington Recovery Help Line ay isang anonymous at kumpidensiyal na 24-oras na help line na nag-aalok ng suporta para sa mga lulong sa paggamit ng droga o pag-inom ng alak at may mga problema sa kalusugan ng pag-iisip. Tumawag sa 1-866-789-1511 o bisitahin ang WARecoveryHelpLine.org para makakuha ng karagdagang impormasyon.
- Ang Washington Listens ay nagbibigay ng suporta sa mga taong nalulungkot, nababalisa, o stressed. Bukas ito tuwing Lunes – Biyernes mula 9 a.m. hanggang 9 p.m. PT, at tuwing Sabado at Linggo mula 9 a.m. hanggang 6 p.m. PT. Bisitahin ang Washington Listens portal para sa karagdagang impormasyon.