Malaki ang epekto ng pandemya ng COVID-19 sa ating pangkaisipang kalusugan, at ang mga teenager ay lalo nang naaapektohan nito. Dahil nagdi-develop pa lamang ang kanilang mga utak, at kakaunti pa lamang ang kanilang mga nararanasan sa buhay, ang lahat ng mga emosyon na kanilang nararamdaman, katulad ng kalungkutan, galit, stress, at isolation, ay mas matindi. Ayon sa research, mas malamang na magkakaroon ng mga banayad hanggang malubhang sintomas ng depression o anxiety (pagkabalisa) ang mga teenager sa panahon ng pandemya ng COVID-19 (Mental Health America). Mahigit sa kalahati ng mga teenager ang nagreport na pinag-iisipan nila ang suicide (pagpapakamatay) o self-harm (pagpinsala sa sarili) noong Setyembre 2020 (Mental Health America).
Ang mabuting balita ay makakatulong ang mga magulang at iba pang mga mapapagkatiwalaang adults.
Alamin ang mga palatandaan
Ang unang hakbang ay ang malaman ang mga palatandaan. Iba’t-iba ang bawat teenager, at ang pagtugon nila sa mga traumatic na pangyayari ay mag-iiba-iba rin. Maaari silang “magwala” o kaya'y maaari silang “kumilos nang tahimik.” Ang mga halimbawa ng “pagwawala” ay ang paggamit ng mga droga, pakikipag-away, o ang hindi pagsunod sa safety guidelines hinggil sa COVID-19. Kapag ang iyong teenager ay “kumikilos nang tahimik,” maaari siyang maging tahimik at lumayo sa iba, na parang walang pakialam tungkol sa kahit ano, o maaaring nais niyang mapag-isa nang mas madalas (Washington State Department of Health). Ang iba pang mga halimbawa ng mga karaniwang pagtugon ng mga teenager kapag may kalamidad ay:
- Pag-aalala
- Kalungkutan
- Pagdama na sila'y may kasalanan, o sila'y galit, takót, o parang pinabayaan
- Takot na hindi maganda ang kanilang kinabukasan
- Mga pagbabago sa kanilang pag-uugali sa iba, halimbawa, hindi sila nakikipagkita sa mga kaibigan, o nagbabago sila ng mga kaibigan
- Nananatiling busy upang maiwasan ang kanilang nararamdaman
- Pag-abuso ng alak o droga
Paano tumulong
Bilang isang magulang, ikaw ang taong may pinakamalaking impluwensiya sa buhay ng iyong teenager. Aaminin man niya ito o hindi!
Maaaring mas isolated ang pakiramdam ng mga teenager sa mahirap na panahong ito. Dahil hindi sila pumapasok mismo sa paaralan, hindi nila nakikita ang kanilang mga kaibigan, at hindi sila naglalaro ng isport, ang suportang natatanggap nila ay maaaring hindi katulad ng dati. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga na mag-check in o kumustahin ang iyong teenager. Ang mga paraan sa ibabâ ay mga halimbawa ng kung paano ka makakatulong (Washington State Department of Health):
- Ipakita mo na inaalagaan mo ang iyong sarili, at pag-usapan mo ang iyong mga nararamdaman sa kalagitnaan ng kalamidad na ito.
- Hikayatin ang mga teenager na sabihin kung ano ang kanilang mga iniisip at mga nararamdaman. Tulungan silang unawain at kayanin ang mga emosyon na ito.
- Ipaalala sa kanila na hindi lamang sila ang nakakaramdam nito at na ok na hindi maging ok sa kasalukuyan.
- Hikayatin silang magpraktis na alagaan ang kanilang sarili, at magpraktis ng mga paraang mainam sa kalusugan upang pamahalaan ang stress; halimbawa, ehersisyo, meditation, ang maglaan ng panahon outdoors, o anumang aktibidad na nagbibigay sa kanila ng kaligayahan o kapayapaan. Ang mga teenager ay makakahanap ng mga ideya sa You Can.
- Pag-usapan (nang hindi nagsesermon) ang mga panganib ng mga hindi mabuting paraan upang kayanin ang mga ito, tulad ng:
- Paggamit ng alak o droga
- Ang paglahok sa mga marahas o di-legal na mga aktibidad
- Pagkakaroon ng mga relasyon na hindi mabuti sa kanya
- Pag-usapan ang kahalagahan ng pagpili ng mga kaibigang tumutulong sa paggawa ng mga mabuting desisyon. Hikayatin ang pagtatag ng mga mabuting relasyon sa pamilya at mga kaibigan.
- Pahintulutan at hikayatin silang tulungan ang iba sa mahirap na panahong ito. Halimbawa, maaari silang tumulong na simulan ang isang hardin, mamulot ng basura, mag-organisa ng mga aktibidad para sa mga maliliit na bata, o tumulong sa mga kapitbahay na bumili ng grocery.
- Kausapin ang mga teenager tungkol sa kanilang kinabukasan. Halimbawa, magtanong kung “Ano ang gusto mong gawin sa susunod na taon o pagkatapos ng 5 taon?” “Ano kaya ang magagawa mo upang makamit ang layunin ito?” “Mayroon ba akong magagawa upang tulungan ka sa ilang mga aktibidad upang marating mo ang layuning ito?”
- Simulan ang pag-uusap mo sa iyong teenager sa isang masaya at nakakaaliw na paraan gamit ang Truth or Challenge game na ito.
Kumuha ng suporta
Teen Link: Paminsan-minsan, maaring mas komportableng makipag-usap ang iyong teenager sa isang kaibigan. Ok lang 'yon! Mayroong confidential at libreng helpline na may mga trained na teenager mula 6 hanggang 10 p.m. PT. Maari silang kausapin ng iyong anak tungkol sa kung ano man ang iniisip niya. Hikayatin ang iyong anak na tumawag, mag-text, o mag-chat sa 1-866-TEENLINK (833-6546). Kung gusto mo, maari mo munang kausapin ang volunteer bago siya kausapin ng iyong anak. Maaari mo ring kontakin ang helpline upang pag-usapan ang iyong mga alalahanin kung gumagamit ang iyong anak ng droga o kung umiinom siya ng alak.
Washington Listens: Mayroon ka ring makukuhang tulong. Tumawag sa 1-833-681-0211 o bisitahin ang WAlistens.org para sa libre at anonymous na tulong. Ang Washington Listens ay nagbibigay ng suporta sa mga taong nalulungkot, nababalisa, o naii-stress dahil sa COVID-19. Ito'y matatawagan mula Lunes - Biyernes, 9 a.m. hanggang 9 p.m. PT, Sabado't Linggo mula 9 a.m. hanggang 6 p.m. PT. May available na TSR 711 at language access services.
Tandaan na ok lang na humingi ng tulong. Tinitingnan ng iyong teenager kung paano mo pinapamahalaan ang stress. Ang paghanap ng mabubuting paraan upang makayanan ito, at ang paghingi ng tulong kapag nangangailangan ka ng suporta ay mga positibong kilos para sa iyo na matututunan din ng iyong teenager mula sa iyo.
Ikaw ang pinaka-nakakakilala sa iyong teenager at matutulungan mo siya sa mapanghamong panahong ito. Magkasama kayong makakaahon dito nang mas malakas. At humingi ng suporta kung kailangan mo ito!